Balot ng kadiliman ang buong silid. Mula sa kawalan, pumailanlang ang isang makapanindig balahibong pagtawa mula sa isang ‘di kilalang personalidad. Sa sobrang takot, napayakap siya sa kanyang sarili, umaasang ang simpleng paraang ito ay magagawa siyang protektahan mula sa nagbabadyang panganib.
“Hahaha! Hahaha!”
Patuloy ang malakas na nakabibinging pagtawang nanunuot sa kaibuturan ng kanyang pagkatao. Ni hindi na niya napansin ang pagtulo ng mga luha sa kanyang mga mata.
“Parang awa mo na... H-h-huwag mo a-k-kkong sasaktan... Ibaba mo na ‘yang kutsilyo...”
“Mamamatay ka! Hahaha!”
Paulit-ulit ang pag-unday ng kutsilyo sa kanyang biktima. Tulad ng isang ibong mandaragit, walang mababakas ni kaunting awa mula sa mga mata nang maninila.
“Nakakaawa ka.”
Dahan-dahang humakbang ang kanyang mga paa papalayo sa wala ng buhay na biktima. Magaling magtago ang kadiliman. Magagawa nitong itago ang kasalanang ginawa niya ngayon. Maging ang pait at lungkot na umaalipin sa puso niya sa mga oras na ito. Subalit bukas, liliwanag din. Hanggang kailan siya magtatago?
Dagling ginulantang ang malalim niyang pag-iisip nang malakas na tunog ng telepono. Wala siyang nagawa kundi ang tumayo para sagutin ito.
“Kailan mo ba ipapasa ‘yung bago mong nobela,” iritadong tanong nang nasa kabilang linya.
“Sa susunod na buwan. Isinusulat ko pa ‘yung ibang kabanata ngayon,” malumanay naman niyang tugon. Mainit na naman ang ulo ng isang ito, nasabi niya sa sarili. Bakit ba hindi maintindihan ng mga ito na hindi ganoon kadaling magsulat?
“Sinabi mo ‘yan, ha? Sa susunod na buwan, inaasahan kong tapos na ‘yan.” Sabay baba ng telepono ng kanyang kausap.
Malilintikan na naman siya nito panigurado. Ang mga tao sa palimbagan ay hindi talaga nakaiintindi sa estado ng mga manunulat. Subalit kailangan niyang magsulat para mabuhay. Ito na lang ang tanging bagay na nagbibigay ng kahulugan sa kanyang pananatili sa mundo.
Bakit kaya hindi pa tumatawag si Leo?
Napabuntung-hininga siya. Namimiss na niya ang kanyang kasintahan. Ilang araw na rin itong hindi nagpaparamdam sa kanya. Sumagi na sa isip niya ang alalahaning baka may ibang babae itong kasama. Subalit, pilit niyang iwinaglit sa isip ang bagay na ito. Mahal na mahal niya si Leo. Hindi niya kayang mawala ito sa kanya.
Mawala na silang lahat, ‘wag lang siya…
Muli, sinimulan niyang tumipa ng mga letra sa harap ng kompyuter. Kailangan niyang matapos ang kanyang akda.
Tulad ng isang agilang handang manila nang kaawa-awang inakay, matama siyang nagmatyag sa kanyang pakay.
Ang kaawa-awang inakay naman ay tila walang kaalam-alam sa panganib na nag-aabang sa kanya. Kampante pa itong naglilibot sa kaparangan at walang kamalay-malay na ito na ang huling sandali na masisilayan pa ng buwan ang kanyang kagandahan.
“Magsama-sama kayong lahat! Pare-pareho lang kayo! Mga haliparot. Mang-aagaw!”
At isang malakas na sigaw ang pumailanlang sa katahimikan ng gabi.
Sa wakas, natapos na niya ang ikalabindalawang kabanata ng kanyang akda. Isang kabanata na lamang ang kinakailangan niyang bunuin. Subalit, gusto ba niya talagang isara ang kabanatang ito? Gusto niya ba talagang matapos ang bahaging ito ng buhay niya?
“Hindi na kita mahal.” Wala ni anumang bakas ng lungkot ang makikita sa mukha ng lalaking minamahal niya at sinasamba.
“Hindi totoo ‘yan! Ang sabi mo sa ‘kin, mahal mo ako. Na tayong dalawa hanggang sa tumanda tayo!”
“Haha! Hindi mo ba naiintindihan? O tanga ka lang talaga?” Tinabig siya nito sa noo na tila pinamumukha nito kung gaano siya kabobo.
“Hindi kita mahal at lalong hindi kita minahal kahit kailan! Kung inaakala mo na espesyal ka, na ikaw na ang babaeng makapagpapabago sa akin, puwes nagkakamali ka. Hindi pa ipinapanganak ang babaeng makapagpapatino sa akin.” Tumalikod na ito tanda nang tuluyang paglimot nito sa nakaraan at kinabukasan nila -- kung mayroon man sila nito.
Pamilyar na ang ganitong eksena. Sampung taon na rin ang nakalilipas nang maiwan siyang nag-iisa sa mundo.
Umalis ng kanilang tahanan ang kanyang ama dahil sa kinalolokohan nitong babae. Ang kanyang ina, dala nang sobrang samang loob at kalungkutan ay inatake sa puso. Kung kani-kaninong kamag-anak siya napunta at nakitira para lamang mabuhay. Nagtiis siya, ininda lahat ang paghihirap kahit na wala na ni katiting mang karangalang natitira sa kanya.
Sa loob ng isang gabi, nawala na ang lahat-lahat sa kanya.
At sa lahat ng hirap na iyon, wala siyang alam na maitugon kundi ang lumuha. Subalit nagbago siya. Wala nang makapananakit pa sa kanya.
“Magsama-sama kayong lahat, mga lapastangan! Hindi n’yo na ako masasaktan pa.”
Limang taon na rin ang nakalilipas nang iniwan siya ng kanyang ama. Isang balita ang bumulaga sa bawat diyaryo.
Mag-asawa, patay sa sumabog na kotse.
Patay na ang lalaking dahilan kung bakit siya nabubuhay sa mundong ito. Wala ni isang luhang pumatak mula sa kanyang mga mata.
“Mabuti nga sa inyo… Magkikita na kayo ni Satanas sa impiyerno. Hahaha! Hahaha!”
“Inay, para sa’yo ang lahat ng ito…”
Hanggang ngayon, wala pang nakikitang ebidensya ang pulisya na magtuturo sa katauhan ng salarin. Malaya pa ring nakalilibot sa bawat kalsada ang maysala.
Naulit lamang ang nakaraan. At ngayon, siya naman ang makararanas kung gaano kasakit at kapait ang magmahal ng lubos.
“Wala nang makasasakit pa sa akin. Wala na... Wala na. Magsasama-sama kayong lahat sa impiyerno!”
Walang kamalay-malay ang lalaking minsan niyang minahal at pinagbigyan ng kanyang kabuuan sa mga magaganap.
Nangangatal na ang kanyang mga daliri sa pagtitipa ng mga letra. Pahaba nang pahaba ang mga salita hanggang sa maging isang ganap na pangungusap upang sa huli’y maging isang talata.
Narungisan nang kulay pulang likido ang kanyang mga kamay habang mabilis na bumabagsak sa bawat isang letra ang kanyang mga daliri.
“Kailangan ko nang matapos ito. Ang pinakahuling kabanata sa akda ko.”
Walang makapagpaliwanag sa sunud-sunod na kamatayang nagaganap. Subalit sa bawat lugar na pinangyarihan ng krimen, makikita ang isang papel kung saan makikita ang isang katagang Latin – ang Ultimo na nangangahulugang katapusan.
Sa loob ng kadiliman ng kanyang silid, niyakap niya ang kanyang sarili. Umaasa siyang sa simpleng paraang iyon ay magagawa niyang maprotektahan ang sarili mula sa lahat ng sakit na nadarama niya.
“Inay, galit ka ba sa mga ginawa ko? Ginawa ko lang naman iyon kasi gusto kong maging masaya ka... Sinaktan ka nila, tayo. Hindi ba tama lang naman ang nangyari sa kanila?”
Kinabukasan, isang balita ang pumuno sa halos lahat ng dyaryo sa bansa nang araw na iyon.
Batikang manunulat, patay sa sunog
Sa isang bahagi ng kanyang bahay, makikita ang isang abuhing kulay ng papel kung saan makikita ang salitang ULTIMO na nakasulat sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo.
--Raphaelle (I.N.J.)
UHAW SA PANAGINIP
1 month ago
1 comments:
Who is the writer?
Post a Comment